-- Advertisements --

Inilunsad sa China ang tatlong-araw na World Humanoid Robot Games na nilahukan ng 280 koponan sa 16 na bansa.

Layunin ng patimpalak na ipakita ang pag-unlad ng bansa sa larangan ng artificial intelligence (AI) at robotics.

Lalahok ang mga humanoid robot sa iba’t ibang sports gaya ng football, track and field, at table tennis, pati na rin sa mga gawaing tulad ng pag-aayos ng gamot, material handling, at paglilinis.

Kabilang sa mga kalahok ang mga unibersidad at pribadong kumpanya mula sa U.S., Germany, Brazil, at China.

Nabatid na isa ang Beijing sa angtaguyod ng paligsahan, na sumasalamin sa pagtutok ng gobyerno sa robotics industry bilang tugon sa tumatandang populasyon at bumabagal na ekonomiya ng bansa.

Sa nakalipas na taon, umabot sa $20 billion ang ipinagkaloob na subsidiya ng gobyerno sa sektor ng robotics, at balak pa nitong maglunsad ng pondo na ¥1 trillion para sa AI at robotics startups.

Bagama’t may mga kritikong nagdududa sa kakayahan ng kasalukuyang teknolohiya, naniniwala ang mga eksperto na ang ganitong mga kumpetisyon ay mahalaga sa paghubog ng praktikal na gamit ng mga humanoid robots sa hinaharap.