-- Advertisements --

KALIBO,Aklan—Napatay sa nangyaring engkwentro kamakailan lamang ang isang babaeng medic ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) matapos ang operasyon ng Philippine Army 61st Infantry Battalion (61IB) sa Sitio Naatip, Barangay Lahug, Tapaz, Capiz.

Kinilala ang nasawi bilang si Christine May Capaducio, kilala rin sa ilang alyas at residente ng Leon, Iloilo at umano’y platoon medic ng Komiteng Rehiyon–Panay gayundin matagal na siyang aktibong kasapi ng kilusan.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Lucia Capaducio, chairperson ng Paghugpong ng Mangunguma sa Panay at Guimaras (PAMANGGAS) na anak niya si Christine at kagabi lamang nila ito nalaman at kaagad na kinuha ang labi ng dalaga.

Aniya, hindi niya masisi ang kaniyang anak kung bakit nakibahagi ito sa kilusan dahil sa nangyayari sa bansa partikular ang kinakaharap na hamon sa malawakang korapsyon at anomaliya sa mga proyekto ng gobyerno.

Samantala, narekober ng mga sundalo ang M16 rifle, bala, at mga gamit mula sa lugar ng sagupaan.

Binigyang diin naman ni Maj. Gen. Michael Samson ng 3rd Infantry Division na patunay ang operasyon sa lumalakas na kooperasyon ng komunidad at military.

Kasabay nito, hinikayat din niya ang iba pang kasapi ng NPA na sumuko at magbalik-loob upang makinabang sa amnestiya at mga programa ng pamahalaan.