Nanawagan si Akbayan Rep. Perci Cendaña na alisin ang unprogrammed appropriations sa 2026 budget, dahil halos 70% nito ay para pa rin sa mga proyekto sa imprastruktura.
Ayon kay Cendaña, mas pinili pa raw pondohan ang imprastruktura kaysa sa kalusugan at edukasyon.
Mas mataas pa umano ng ₱3 bilyon ang unprogrammed funds kaysa sa budget ng DOH.
Tinukoy din niyang nauna pang ilabas ang pondo para sa flood control kaysa sa bayad sa mga health workers noong pandemya.
Binanggit ni Cendaña na ang dalawang pinakamalaking bahagi ng unprogrammed funds ay nakalaan pa rin sa mga proyekto sa imprastruktura gaya ng suporta sa mga proyektong may tulong mula sa ibang bansa na nasa ₱97.3 bilyon, SAGIP o Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs na nasa ₱80.9 bilyon.
Sa mga nagdaang taon, naiuugnay ang SAGIP sa mga kontrobersyal na proyekto tulad ng flood control.
Ayon sa budget sponsor na si Rep. Mika Suansing, bukas siya sa panukalang alisin ang SAGIP pero hindi pa ang buong unprogrammed appropriations.
Binanggit din niya ang apat na taong naantalang allowance para sa mga healthcare at non-healthcare workers noong panahon ng COVID-19 na nasa ilalim din ng unprogrammed appropriations.