-- Advertisements --

Pasok na sa second round ng NBA playoffs ang Boston Celtics matapos na ma-sweep ang Brooklyn Nets para sa score na 116-112 sa Game 4 ng Eastern Conference sa first round series.

Ang Boston ang kauna-unahang team na umusad sa next round makaraang malusutan ang huling tangka ng Brooklyn na ma-extend pa ang best-of-seven series.

Muli na namang nanguna sa diskarte ng Celtics si Jayson Tatum na may 29 points kahit na-foul out pa sa huling sandali.

Habang tumulong din naman sina Jaylen Brown na may 22 points at si Marcus Smart at nagdagdag ng 20 points at 11 assists.

Hindi na kinaya ng puwersa nina NBA superstars Kevin Durant at Kyrie Irving ang opensa ng Celtics na noong una ay hinulaang isa sa contender sa korona.

Kahit pa may 39 points, nine assists, at seven rebounds si Durant at si Irving naman ay nagtala ng 20 points.

Naging masaklap din ang kampanya ng Nets na sa akala nila ay makakahabol na makalaro ang bagong miyembro ng team na si Ben Simmons, pero hindi pa umano kinaya dahil sa pananakit muli sa likuran nito.

Samantala, sa ngayon aantayin muna ng Boston ang mananalo sa serye sa pagitan ng Milwaukee at Chicago kung saan ang defending champion na Bucks ay abanse sa 3-1.