Nakapagtala na rin ng isang panalo ang Boston Celtics matapos na masilat ang NBA defending champion na Toronto Raptors, 112-106.

Dahil dito, may tig-isang panalo na ang dalawang koponan.

Ginamit ng Celtics ang fourth quarter rally sa pangunguna ng bagong miyembro na si Kemba Walker na merong kabuuang 22 points upang itumba ang Raptors.

Mistulang nakarekober sa kanyang shooting si Walker mula sa ikalawang sunod na laro.

Malaking tulong din ang ginawa ni Jaylen Brown at Jayson Tatum na may tig-25 points.

Nasayang naman ang malaking puntos na ginawa nina Pascal Siakam na tumirada ng 33 points para sa Raptors at si Kyle Lowry na nagtapos sa 29 points kabilang na ang anim na 3 pointers.

Samantala, bukas makakalaban ng Raptors ang Bulls, habang ang Celtics ay makikipagtuos sa Knicks.