Hindi pa rin makapaniwala ang 28 anyos na Cebuana topnotcher sa inilabas na resulta ng 2022 Licensure Examination for Professional Teachers kung saan nakakuha ito ng 94.60 % rating.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Baby Patricia Bensi na tubong Lapu-lapu City, sinabi nitong napaiyak siya maging ang kanyang ina matapos nakita ang resulta ng exam.
Sinabi pa ni Bensi na hindi niya inexpect na magTop 1 pero inaasahan na umano nitong mapabilang sa top 10 dahil nagsusumikap din ito sa pag-aaral kahit isinabay ang trabaho.
Kwento pa ng dalaga na naranasan din nito ang mahirap na taon matapos dumaan sa depresyon dahil pakiramdam niya ay napag-iwanan na siya ng kanyang mga batchmates kung saan 7 taon na ang lumipas mula ng ito ay grumadweyt.
Inamin din nito na noong una, hindi niya talaga ‘choice’ ang kursong Education at kahit nakagraduate na ito ay nagdadalawang isip pa rin siyang magturo.
Hinihintay lang umano niya ang kanyang panahon at sa tingin niya ay ngayon na ang tamang panahon.
Nagpaabot naman ito ng mensahe sa mga kukuha ng exam na magtiwala lang, huwag pahirapan ang sarili at kung nakakaramdam ng pagod, magpahinga lang bago magpatuloy.
“Ako, I’m not really an honor student during my college days. Yan ang masasabi ko, you don’t need to be an honor student to be a topnotcher. You have to believe in yourself. Put effort in everything you do and trust God,” saad ni Bensi.