-- Advertisements --
Sitio Zapatera

CEBU CITY – Nilinaw ni Cebu City Legal officer at tagapagsalita ni Mayor Edgardo Labella na si Atty. Rey Gealon na binawi na ang lockdown sa Sitio Zapatera, Barrio Luz.

Ayon kay Atty. Gealon na-lift na ang ipinatupad na lockdown sa lugar batay sa Memorandum 2020-296 na inilabas ni Mayor Labella noong nakaraang linggo.

Inihayag ni Gealon na nananatili pang nasa Enhanced Community Quarantine ang lungsod ng Cebu kaya ‘di pa basta-bastang makalabas ang mamamayan.

Sa sitwasyon sa Sitio Zapatera, nilinaw ni Gealon na may mga areas pa sa naturang lugar na may positive sa coronavirus kaya nagpapatuloy pa ang contact tracing at swab testing sa ilang lugar kaya may iba pang mga residente na nilimitahan muna ang paglabas.

Kaugnay nito, hinikayat ni Gealon ang publiko lalung-lalo na ang nasa mga lugar na nananatiling naka-lockdown na sumunod sa direktiba sa local government upang maiwasan ang pag-akyat ng kaso sa coronavirus.

Maaalala na kinumpirma mismo ng barangay secretary ng Barangay Luz, lungsod ng Cebu, na na-extend umano ang ipinatupad na lockdown sa Sitio Zapatera dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa barangay secretary at tagapagsalita ng Brgy. Luz na si Eldebryan Arañez, sinabi nito na may nangyari umanong “miscommunication” sa panig ng Cebu City government at City Health Department sa naging basehan ng pag-lift sa lockdown.