(Update) CENTRAL MINDANAO – Galit at pagkamuhi ang nararamdaman ni Cotabato City mayor Attorney Cynthia Guiani Sayadi sa mga pumaslang sa kanyang executive secretary na si Anecito ”Boy” Razalan.
Agad nag-alok ng P300,000 reward money si Mayor Guiani-Sayadi sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga suspek na bumaril patay sa biktima.
Katarungan ngayon ang hangad ng alkalde sa sinapit ng dating mamamahayag na tinuturing niyang isang matalik na kaibigan, kapatid at myembro ng kanilang pamilya na ilang taon na nagserbisyo sa kanya at sa kanyang kapatid na si ex-Mayor Japal Guiani Jr.
Matatandaan na habang kumakain si Razalan sa Sehua Eatery sa Notre Dame Avenue, Barangay Rosary Heights 2 sa siyudad ng bigla itong lapitan ng nag-iisang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang salarin at sumakay ng motorsiklo sa naghihintay niyang kasama.
Naisugod pa sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) ang biktima ngunit hindi na ito umabot ng buhay.
Una rito, noong Hulyo 25, 2015 ay pinagtangkaan na rin ang buhay ng biktima pero sya ay nakaligtas.
May mga tao nang pinagdududahan si Mayor Sayadi na pumatay sa kanyang sekretaryo na may personal na galit rin sa kanya.
Sa ngayon binusisi na ng pulisya sa Cotabato City PNP sa pamumuno ni Colonel Richard Fiesta ang kuha ng CCTV footage sa nangyaring pagpaslang sa biktima.