-- Advertisements --

Umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na magkakaroon ng tunay na pananagutan sa mga serye ng pagdinig sa iskandalong bumabalot sa mga public infrastructure project sa buong bansa.

Hiling ng Simbahang Katolika, hindi lamang mauwi sa wala ang lahat ng mga isinasagawang imbestigasyon at sa halip ay may makukulong, kahit pa magbabago ng administrasyon.

Katwiran ni CBCP Spokesperson Fr. Jerome Secillano, dapat ay magresulta ang mga serye ng imbestigasyon sa pagkakakulong ng lahat ng mga sangkot sa iskandalo, at magdusa sa ginawang pangungurakot.

Hindi aniya nararapat na pansamantala lamang ang pagkakakulong ng mga ito, at sa halip ay manatili silang nakapiit kahit pa magpalit na ang mga lider ng bansa.

Tinukoy ni Fr. Secillano ang nangyari sa ilalim ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam kung saan nakakalungkot aniyang iisa lamang ang nakakulong sa ilalim ng naturang iskandalo habang malaya ang iba sa kaniyang mga kasama.

Ang masaklap pa aniya, kumandidato at tuluyang pang nanalo ang iba sa kanila.

Umaasa ang CBCP official na hindi mauulit ito sa ilalim ng flood control scandal.

Apela ni Fr. Secillano sa mga Pilipino, lumabas at ipaabot sa gobiyerno at mga opisyal ang pagtutol sa laganap na korapsyon, at hindi lamang maging tahimik.

Marami aniya ang paraan para ipaabot ang pagkadismaya at galit, at dapat itong maipagpatuloy upang mabantayan ang naturang iskandalo, nang hindi lamang basta nawawala o nakakalimutan ng publiko.