Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ng tatlong araw ng pagdarasal para sa maayos at malinis na halalan sa darating na Mayo 9.
Sa circular na inilabas ni CBCP President Pablo Virgilio David, hinihikayat nito ang mga obispo sa buong bansa na manalangin na magsisimula bukas, Mayo 8, gayundin sa Mayo 9 at 10.
Layunin nito aniya ay para maitaboy ang mga masasamang tao na planong manggulo sa eleksyon.
Hinikayat din nito ang mga pari na panatilihing bukas ang simbahan para tuloy-tuloy ang pagdarasal ng mga mananampalataya gaya ng Oratio Imperata para sa halalan.
Asahan din na sabay-sabay na patutunugin ng mga pari ang mga kampana ng simbahan sa Mayo 9 bilang hudyat ng pagsisimula ng halalan mula ala-6:00 ng umaga sa loob ng 10 minuto.
Una nang naiulat na magsisimula ang botohan mula ala-6:00 ng umaga hanggang ala-7:00 ng gabi.