Kinumpirma ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na walang aktibong pagtatangka upang patalsikin si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa puwesto.
Sa pulong-balitaan, sinabi ni Cayetano na ang mga usap-usapang may planong palitan ang liderato ng Senado ay posibleng nagmumula lamang sa mga tagasuporta ng majority at minority bloc.
Nilinaw pa ng senador na walang anumang resolusyong umiikot sa mga senador, at wala rin umanong inaasahang kudeta bago mag-adjourn ang sesyon ng Senado.
Katulad ng sinabi ni Sotto, ibinahagi ni Cayetano na nagkaroon sila ng maikling pag-uusap sa telepono, kung saan nilinaw niyang hindi siya nangangalap ng suporta upang patalsikin ang Senate President.
Ayon kay Cayetano, hindi nila pinag-uusapan sa minority ang pagpapalit ng liderato ng Senado, dahil naniniwala siyang masaya ang mga miyembro ng majority bloc at may maayos namang papel ang mga nasa minority.
Batay sa mga ulat, si Cayetano umano ang posibleng pumalit kay Sotto bilang Senate President.
Ngunit mismong si Sotto ang nagbabasura sa mga tsismis na may tangkang patalsikin siya, at iginiit na hindi siya umaasang magkakaroon ng anumang aksyon sa plenaryo bago ang nakatakdang adjournment ng Senado sa Oktubre 10.