Umapela si Speaker Alan Peter Cayetano kay Vice President Leni Robredo na linawin nito ang kanyang mabulaklak na pananalita at magbigay ng mas magandang alternatibo sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ginawa ito ni Cayetano matapos hamunin naman kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Robredo na pangunahan ang drug war sa loob ng anim na buwan.
Sa panayam ng media kay Cayetano bago ito nagsagawa ng inspeksyon sa bilangguan sa Taguig City nitong araw, sinabi nitong dapat ipakita o ipaliwanag muna ni Robredo ang mga programang nais nito.
Iginiit ng lider ng Kamara na madali lamang magsabi subalit ibang usapan na aniya ang implementasyon nito katulad ng sinasabing health-based approach ng Bise Presidente.
“What’s that health-based approach? Kung may baril ‘yung kaharap mo na nagbebenta ng droga at nandun sa school at hinuli ng pulis ano’ng gagawin ng pulis? Sabihin, ‘pare mag-vitamins ka muna’?” ani Cayetano.
Sinabi rin ng kongresista na ang hamon ng Pangulo kay Robredo ay bunsod lamang ng “exasperation” o pagka-irita nito sa problema sa iligal na droga.
Hindi aniya ito paraan ni Duterte na ipasa kay Robredo ang responsibilidad sa naturang problema.