Wala pang impormasyon ang abogado ni Cassandra Ong sa kinaroroonan nito matapos kanselahin ng korte ang pasaporte nito.
Sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cassandra Li Ong, na matagal na silang walang komunikasyon habang patuloy ang paghahanap sa kanya bilang nawawalang kinatawan ng POGO firm na Lucky South 99.
Hindi na rin ania matandaan kung kailan sila huling nag-usap ni Ong. Kwento ng abogado, naging “pa-putol-putol” ang ugnayan nila matapos ma-release si Ong mula sa Correctional Institution for Women noong Disyembre 2024.
Ayon sa abogado, minsan ay may tagapamagitan si Ong at tanging sa huling numero nito nila ipinapadala ang mahahalagang impormasyon, kabilang ang pag-isyu ng warrant of arrest.
Kamakailan, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na hindi na nakakulong si Ong, na may standing warrant of arrest dahil sa qualified human trafficking.
Tiniyak naman ni Topacio na mananatili siyang abogado ni Ong hangga’t hindi tinatapos ang kanyang serbisyo.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, huling na-trace si Ong sa Japan ngunit wala nang kasunod na impormasyon pagkatapos nito.
Nag-alok ang Department of Justice ng P1 milyon na pabuya para sa impormasyong makapagtuturo sa kanyang kinaroroonan at pag-aresto.(report by Bombo Jai)
















