Pinalawig pa ng Department of Interior and Local Government ang deadline sa pagpapahatid ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa National Capital Region (NCR).
Sa isang panayam, sinabi ni DILG Sec. Eduardo Año na sa halip ngayong araw ay ginawa na nilang hanggang sa Mayo 10 ang pagpapahatid ng emergency cash subsidy.
Sinabi ni Año na hanggang alas-8:00 kagabi, 985 sa 1,654 local government units o 77.51 percent pa lang ng mga qualified families ang nabibigyan ng cash assistance.
Doble kayod na aniya sa ngayon ang mga local government officials para matapos na sa lalong madaling panahon ang pagpapahatid ng ayudang ito.
Ayon sa kalihim, inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na huwag isama ang mga indibidwal na namamahagi at kukuha ng cash aid sa ipinapatupad na curfew bilang bahagi ng enhanced community quarantine.
Mababatid na Mayo 7 sana ang deadline nang distribusyon ng first tranche ng cash aid mula sa SAP matapos na pinalawig ito ng pitong araw mula noong Abril 30 na siya namang orhinal na deadline.
Aminado ang kalihim na ang NCR ang siyang may pinakamalaking problema sa pagpapahatid ng cash assistance dahil marami ang qualified beneficiaries dito.