CAUAYAN CITY- Nadakip ng pinagsanib pwersa ng mga kasapi ng Diadi Police Station, Bagabag Police Station at Cordon Police Station sa Brgy. Capirpirwan, Cordon, Isabela ang lalaking nang-carnapped sa isang SUV sa Nueva Vizcaya.
Ang Toyota Hilux na may plakang NCA 8941 ay pagmamay-ari ni Maureen Dacanay, isang negosyante na residente ng Bagabag, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Alford Accad, hepe ng Cordon Police Station, nakipag-ugnayan sa kanila ang Diadi Police Station upang humingi ng back-up sa lalaking nang-carnapped isang SUV sa Bayan ng Bagabag.
Kinilala ang suspect na si Joevani Quiron,32 anyos, walang trabaho at residente ng Barangay Sinian, Tuao South, Bagabag, Nueva Vizcaya.
Hinahabol ng mga pulis mula PNP Bagabag at PNP Diadi ang pinaghihinalaan habang papadaan sa inilatag na checkpoint sa Cordon, Isabela at walang balak na tumigil kayat pinaputukan nila ang dalawang gulong sa harapan ng sasakyan.
Hindi naman nanlaban ang suspect nang huliin ng mga otoridad.
Hinalughog ng mga pulis ang loob ng sasakyan at kinapkapan ang suspect kung saan nakuha sa kanyang pag-iingat ang ilang gramo ng hinihinalang marijuana na nakabalot sa transparent plastic, isang kaha ng sigarilyo, isang lighter, dalawang unit ng dalawang cellphone at Cellphone Charger.
Ayon naman sa Bagabag Police Station nag-ulat si isang negosyante ang nagreport sa kanilang himpilan kaugnay sa pagtangay ng suspek sa kanilang sasakyan.
Ayon sa biktima habang inaayos umano nito ang kanyang mga panindang buko-pie sa kanyang sasakyan ay bigla na lamang umanong sumakay sa driver seat ang pinaghihinalaan at minaneho palayo ang sasakyan.
Dahil dito inalerto ng Bagabag Police Station ang kanilang mga kalapit na himpilan ng pulisya
Itinanggi naman ng pinaghihinalaan ang paratang ng pagnanakaw at ayon sa kanya, pinahiram umano ang sasakyan sa kanya ng may ari.