-- Advertisements --

Isang cargo ship ang sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat sa baybayin ng Barangay Matandang Siruma, San Miguel Bay, Camarines Sur noong Agosto 7, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Sa ulat ng Coast Guard District Bicol, ligtas at nasa maayos na kalagayan na ang 13 Filipino seafarers na crew ng barkong LCT Golden Phoenix, na noon ay may kargang mga construction materials.

Ayon sa PCG, ang malalakas na alon at hangin ang naging sanhi ng insidente.

Agad na rumesponde ang Coast Guard at nakipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan. Gayunman, naantala ang inisyal na pag-inseksyon sa barko dahil sa hindi magandang kondisyon ng panahon.

Wala namang naitalang oil spill, ngunit patuloy ang pagmamanman ng PCG sa lugar upang maiwasan ang posibleng polusyon sa karagatan.