Lubos na nag-aalala si Cardinal Luis Antonio Tagle sa patuloy na lumalalang korapsyon sa Pilipinas partikular sa mga proyekto ng gobyerno na ‘di umano’y anomalya sa flood control projects at ”pork-like” na budget insertions.
Sa kanyang panayam, ipinahayag ni Tagle na ang korapsyon ay isang kasalanan na sumisira sa pagkatao at tinutuligsa din sa mga kasulatan ng Biblia mula pa noong panahon iyon.
Ayon kay Tagle, ang tao ay may tungkuling pangalagaan ang yaman ng mundo, at hindi para sa pansariling kapakinabangan.
Umaasa din ang Obispo na ang mga lider, kontratista, at mga ahensya ng gobyerno ay magpakita ng kababaang-loob sa kanilang pananagutan.
Ayon pa sa kanya, “Kailan tayo matututo? Kailan magaganap ang tunay na pagbabago?”
Sa mga nagdaang protesta laban sa mga katiwalian sa gobyerno, binigyang-diin ni Tagle na hindi sapat ang galit; at iginiit na ang pagbabago ay kailangang magsimula sa mga tao at institusyon na may malasakit at integridad sa bayan.
Pinayuhan din niya ang mga kabataan na gawing “kahihiyan muli” ang korapsyon at ipagpatuloy ang laban sa katiwalian at pananagutan.