Binatikos ni Cardinal Pablo Virgilio David, president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang kawalang-pakialam ng mga mayayaman sa gitna ng paghihirap ng nakararami, at tinawag itong ugat ng korapsyon.
Sa kanyang homiliya nitong Linggo, ginamit ni Cardinal David ang kuwento ni Lazarus mula sa Bibliya upang ipakita na hindi gutom o sakit ang tunay na sanhi ng pagkamatay ni Lazarus, kundi ang kawalang malasakit ng mayamang nasa tabi niya.
Inihalintulad din ng cardinal ang sitwasyon ni Lazarus sa mga Pilipinong nagtatrabaho nang husto ngunit hindi sapat ang kita para sa disenteng pamumuhay.
Tinuligsa rin niya ang maluho at hindi sensitibong pamumuhay ng ilang nasa kapangyarihan gaya ng pagkakaroon ng 40 mamahaling sasakyan, pagkain na nagkakahalaga ng P700,000 para sa apat na tao, at regalong singsing na nagkakahalaga ng P50 million.
Pinuna rin niya ang mga politikong ginagamit ang pera ng bayan para sa pansariling interes at sa mga ghost infrastructure gaya ng flood control.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Cardinal David sa mamamayan na manindigan laban sa katiwalian. Noong Setyembre 21, sumama siya sa “Trillion Peso March” laban sa korapsyon, at hinikayat ang lahat na sumali sa mga protesta.