-- Advertisements --

Nanawagan si Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula sa mga mananampalataya na maging tanda ng pag-asa at buhay sa kapwa, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng Christ the King sa Manila Cathedral.

Sa kanyang homiliya, hinikayat niya ang publiko na tulungan at palakasin ang loob ng mga nalulungkot, pinanghihinaan, at nahihirapan, at maging ang “bearers of life” tulad ng Kristong Hari.

Aniya, dapat manaig ang solidarity o pagkakaisa sa gitna ng political at economic divisions dahil walang nag-iisang Kristiyano.

Inihayag din ng Cardinal na dapat mag-abot ng kamay ang bawat pamilya at komunidad upang damayan ang mga nakakaramdam ng pag-iisa o pagkalayo.

Nitong Linggo, idinaos ang kapistahan ng Christ the King na isa sa mga dakilang kapistahan ng Simbahang Katolika na taunang dinadaluhan ng maraming mananampalatayang Katoliko.

Ginugunita ito tuwing huling Linggo ng liturgical year ng Simbahang Katolika, bago magsimula ang panahon ng Adbiyento o ang panahon ng paghahanda ng Simbahang Katolika para sa pagdating ng Pasko at paggunita sa pagsilang ni Hesus. Sinimulan ang kapistahan noong 1925 ni Pope Pius XI.