Itinuturing ng India na ”Terror Incident” ang pambobomba ng isang sasakyan sa mataong lugar sa Red Fort sa kabisera ng Delhi, India.
Tinatayang walong katao ang nasawi habang dalawampu ang nasugatan sa insidente.
Ayon sa Delhi Police naganap ang pagsabog noong Lunes ng gabi nang huminto ang isang mabagal na sasakyan katabi ng iba pang mga sasakyan bago ito sumabog na siyang nagdulot ng pinsala sa kalapit na mga sasakyan.
Bagama’t wala pang hawak na suspek ang mga awtoridad sinabi naman ni Prime Minister Narendra Modi na ang pambobomba ay gawa umano ng isang anti-national forces na layong manggulo at takutin ang publiko.
Kinokondena rin ng pamahalaan ang karumal-dumal at duwag aniyang aksyon ng mga terorista at muling iginiit ang zero tolerance policy ng bansa para sa terorismo.
Bukod dito nakataas narin ang high alert sa lugar, gayundin ang kalapit na estado, kabilang ang Uttar Pradesh para sa agarang pagtugon ng seguridad.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si PM Modi sa mga pamilyang naulila at tiniyak ang agarang pagpapanagot sa mga suspek.
















