Ibinasura ng Court of Appeals (CA) ang ‘forfeiture case’ na inihain laban sa dating opisyal ng National Bureau of Investigation kasama ang ilan pa na sangkot umano sa nakaraang ‘pastillas scheme o scam’.
Matatandaan na inihain ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang reklamong ito kontra kina former NBI legal assistance section chief Joshua Capiral, kapatid nitong si former immigration officer Christopher Capiral at ilan pa.
Nakasaad sa desisyon na inilabas sa ngalan ni Associate Justice Eleuterio Bathan, binaliktad ng ika-walong dibisyon ng Court of Appeals ang naging ruling ng Muntinlupa Regional Trial Court.
Ito’y matapos ipag-utos ng naturang korte na bawiin o ‘ma-forfeit’ ang ilang natitirang mga pera mula sa bank accounts ng mga naturang respondents sa kaso.
Bunsod nito’y lumalabas sa imbestigatsyon ng AMLC na aabot umano sa milyun-milyong Piso ang halaga ng mga nadiskubreng deposit at withdrawal mula 2016 hanggang 2020.
Ngunit ng maaresto ang naturang magkapatid sa isinagawang entrapment operation ng NBI noong 2020 kasunod ng pagtanggap nila ng P200,000 marked money, ibinasura naman ng Manila Regional Trial Court Branch 18 ang mga reklamong extortion at graft.
Ito’y dahil sa hindi umano naging sapat o nagkaroon ng kakulangan sa ipinakita at iprinesentang mga ebidensiya.
Gayunpaman, kahit pa ibinasura na ito, ang Anti-Money Laundering Council ay itinuloy pa rin ang ‘forfeiture case’ kasabay ng pagbibigay diin na mayroon silang sapat na patunay na tumanggap ang mga ito ng pera sa money laundering.
Bagama’t ito’y sinang-ayunan o kinatigan ng Muntinlupa Regional Trial Court at ipinag-utos na bawiin ang sinasabing milyun-milyong pera ang appellate court naman ay ito’y ibinasura sa kadahilanang bigo umano ang panig ng AMLC na ipakita ang sapat na ebidensiyang makapagtuturo na nagkaroon ng ilegal na gawain.