-- Advertisements --
image 685

Planong ilagay sa ilalim ng state of calamity ang buong probinsiya ng Oriental Mindoro dahil pa rin sa malawakang epekto ng oil spill.

Ayon kay Governor Humerlito “Bonz” Dolor na base sa pinakahuling report na natanggap ng local executive mula sa Department of Health (DOH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR), ipinag-utos na nito ang paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng isang rekomedasyon para sa pagdedeklara ng state of calamity para sa buong lalawigan at hindi na lamang sa mga lugar na naunang naapektuhan ng tumagas na langis.

Malaking bahagi na kasi ng probinsiya ang apektado sa oil spill dulot ng lumubog na oil tanker na MT Princess Empress na may kargang 900,000 litro ng industrial fuel.

Habang libu-libong mga mangingisda naman kasama na ang kanilang mga pamilya ang apektado at binigyan ng cash for work assistance matapos na ipagbawal ang pangingisda sa mga apektadong mga karagatan.

Ilan sa mga hakbang na ginagawa ngayon ayon sa Gobernador ay ang pagselyo sa 23 leaking areas sa oil tanker upang matakpan ang mga butas at mapigilana ng lalo pang pagtagas ng langis.