-- Advertisements --

Inamin ng Department of Health (DOH) na magandang development ang obserbasyon ng ilang eksperto tungkol sa pagbagal ng “doubling time” ng COVID-19 cases sa bansa ngayon.

“Ibig sabihin nito, kung dati sa loob ng tatlong araw dumudoble ang mga kaso, ngayon mas matagal na ito. Ngayon mas matagal na ito. Halos lima na ang average,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Maituturing daw na malaking improvement ang resulta ng obserbasyon bagamat target ng ahensya na umabot ng hanggang 30-araw ang window period kung lolobo muli ang COVID-19 cases.

“Kung kahapon, April 20 (ay nasa) 6,000 ang ating mga kaso, dapat sa May 20 (nasa) 12,000 pa lang ang kaso natin.”

Nabatid din ng DOH na tila sa National Capital Region lang naka-concentrate ang mga naitatalang kaso.

Para sa ahensya, magandang indikasyon din ito dahil may mga lugar pa na walang record ng infection.

“Karamihan ng mga kaso ay patuloy pa rin na nandito sa NCR. May pagkalat na nangyayari sa ibang parte ng bansa, ngunit may mga probinsya na wala pa ring kaso o matagal ang pagtaas ng kaso.”

“Mga 30 probinsya ito na kinakailangang patuloy na maging maingat.”