Naka-work from home setup na si Bulacan Gov. Daniel Fernando matapos nitong kumpirmahin na siya ay positibo mula sa coronavirus disease.
Kakailanganin nitong sumailalim sa mandatory isolation sa loob ng dalawang linggo.
Kwento ni Fernando, kaagad itong nagpa-test noong malaman na na-expose siya sa isang board member na kalaunan ay nabatid na isa palang coronavirus positive.
Nakita na lamang daw niya ang kondisyon ng naturang opisyal sa social site nito kung saan inilahad ng opisyal ang kaniyang kasalukuyang pakikipaglaban sa COVID-19.
Sa kaniyang inilabas na pahayag, nanawagan ang actor-turned-politician sa publiko na huwag magpakampante sa mga ganitong pagkakataon. Aniya kahit ano pang posisyon sa gobyerno ay posibleng tamaan ng deadly virus.
Kailangan din umano na maging responsable ang bawat isa sa pagsunod sa health standards at protocols na umiiral, hindi lamang para maligtas sa coronavirus ngunit pati na rin ang makapagsalba ng buhay.
Noong Huwebes, Agosto 27, nang dumalo ang 57-anyos na pulitiko sa isang virtual session ng Provincial Board kung saan sinabi nito na siya ay nasa maayos na kalagayan habang nagpapagaling sa kaniyang bahay sa San Rafael.
Inutusan na rin ni Fernando ang contact tracing team ng Bulacan upang hanapin ang mga inidbidwal na kaniyang nakasalamuha.