Reading Time: 1 minute

TUGUEGARAO CITY – Patay ang budget officer ng local government unit (LGU) ng Conner, Apayao matapos bumangga sa arko ng Tuao, Cagayan ang minamanehong sasakyan.

Ayon kay Maj. Reymund Asistores, hepe ng PNP-Tuao, papunta sana ang biktima na si Reynaldo Bugnay Sr., 59, residente ng Manag, Conner, Apayao sa lungsod ng Tuguegarao mula sa Conner nang mangyari ang aksidente.

Nang marating ng biktima ang pinangyarihan ng aksidente ay nawalan ng kontrol sa manibela at tuluyang bumangga sa arko.

Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima habang wasak ang harapang bahagi ng kanyang sasakyan.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.