-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi dapat ikinukumpara ang budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ng intelligence and confidential funds.

Iginiit ito ni Budget Sec. Wendel Avisado kasunod ng pagkwestiyon ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon sa P4 billion proposed 2021 budget ng departamento habang nasa P9.6 billion ang pondo ng intel at confidential funds.

Inihayag ni Sen. Drilon na hindi ito sapat lalo na’t nakalinya sa housing sector ang ahensya.

Sinabi ni Sec. Avisado na hindi maaaring pagkumparahin ang dalawa, dahil magkaiba ang purpose ng mga ito.

Ayon kay Sec. Avisado, ang DHSUD ay policy-making agency habang ang National Housing Authority (NHA) na may sariling corporate funds naman ang may mandato sa pagpapatayo ng mga housing projects.

Gayunman, ipinauubaya na ni Sec. Avisado sa Ehekutibo ang pagpapaliwanag sa budget allocation ng departamento dahil sila naman sa DBM ay hanggang allocation lamang batay sa budget ceiling.