Lumagda ang Bureau of Corrections (BuCor) at University of the Philippines (UP) sa isang memorandum of understanding (MOU) para sa paggamit ng tig-500 ektaryang lupa mula sa kanilang mga pag-aari.
Gagamitin ng BuCor ang bahagi ng lupa ng UP sa Laguna-Quezon Land Grant para sa itatayong Regional Prison Facility, kapalit ng paggamit ng UP sa lupa ng BuCor sa Iwahig, Puerto Princesa City.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., bahagi ito ng paghahanda sa pagsasara ng New Bilibid Prison sa 2028.
Bukod dito, nilagdaan din ang isang memorandum of agreement (MOA) ng BuCor, UP Open University (UPOU), at UP Alumni Association (UPAA) para sa pagbibigay ng libreng online education at pagsasanay sa mga tauhan ng BuCor at Persons Deprived of Liberty (PDL).