-- Advertisements --

Pasok na sa Eastern Conference finals ang Milwaukee Bucks matapos mamayani sa overtime game laban sa tinaguriang NBA superteam na Brooklyn Nets, 115-111.

Nakalusot ang Bucks sa kabila ng matinding performance ng veteran former MVP na si Kevin Durant na kumamada ng 48 points, nine rebounds, at six assists sa Game 7 ng semifinals.

Makapigil hininga ang harapan ng dalawang magkaribal na team kung saan tinapatan ng dati ring 2-time MVP na si Giannis Antetokounmpo ang init ng Nets gamit ang 40 points.

Haharapin ng Bucks sinuman ang mananalo sa serye sa pagitan naman ng Sixers at Hawks.

Huling pumasok sa conference finals ang Bucks noon pang 2018-19 season nang talunin sila ng nagkampeon noon na Raptors.

Hangad naman ng Bucks na umabot sa NBA Finals na nangyari noon pang 1973-74 season.

Sa naging laro kanina, si Durant na nababad sa court ng buong 53 minutes, ang huling nagpasok ng turnaround jumper upang dalhin sa overtime ang Nets sa kabila na 1.0 segundo ang nalalabi sa game.

May tiyansa sana na agad ipanalo ng Bucks ang laro pero sumablay ang fadeaway shot ni Giannis.

Sinasabing ito ang unang overtime sa Game 7 sa nakalipas na 15 taon.

Pagsapit na ng overtime game, gitgitan muli ang score pero hindi na nagpabaya ang Bucks nang selyuhan ni Brook Lopez ng dalawang free throws ang kanilang panalo.

Samantala, ang isa sa Big Three ng Nets na si James Harden ay nag-ambag ng 22 points, nine rebounds at nine assists na halatang hindi pa gaanong nakakarekober sa injury.

Si Kyrie Irving naman ay nagkasya na lamang sa bench sa panonood na nagpapagaling pa rin sa injury.

Sa kabilang dako nagpaabot naman nang pagsaludo ang Bucks head coach na si Mike Budenholzer sa mga players na walang humpay na nagbigay ng grabeng performance upang ibigay sa mga fans ang thrilling game.

“They all made big plays down the stretch,” ani Budenholzer. “They’re great competitors, I love the way they just kept coming.”