Nakatakdang magbalik sa entablado ang buong BTS matapos ang mahigit dalawang taong pahinga dahil sa kanilang mandatoryong military service.
Tatapusin nina RM at V ang kanilang serbisyo sa June 10, kasunod nina Jimin at Jungkook sa June 11. Si Suga naman ang huling lalabas sa June 21, na magmamarka sa ganap na pagbabalik ng grupo bago matapos ang unang kalahati ng 2025.
Nauna nang nakumpleto nina Jin (June 2023) at J-Hope (Oct 2024) ang kanilang military duty, kaya’t mas maaga silang muling nakita sa publiko — lalo pang nagpataas ng excitement sa inaabangang reunion.
Ayon kay HYBE CEO Lee Jae-sang, sinimulan na ang paghahanda para sa comeback ng grupo, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga sikat na songwriter. Gayunman, iginiit niyang kailangan ding bigyan ng panahon ang mga miyembro upang makapag-reflect at maghanda nang personal.
Tungkol sa world tour, sinabi ni Lee na posibleng matagalan pa ito dahil karaniwang isinusunod ito matapos mabuo ang bagong musika. (report by Bombo Jai )