Inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang kilalang kolumnista at brodkaster na si Ramon Tulfo dahil sa kasong cyber libel.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Manila Police District (MPD) spokesperson Major Philip Ines, bandang alas-10:05 kaninang umaga, Miyerkules, nang hainan ng warrant of arrest si Tulfo sa loob ng quadrangle ng Manila City Hall ng mga tauhan ng Special Mayor Action Team (S.Ma.R.T)-MPD.
Nahuli si Tulfo nang siya dumalo sa hearing sa Manila Regional Trial Court kaugnay sa kasong libel na isinampa laban sa kaniya.
Sinabi ni Ines, si Tulfo ay nahaharap sa diumano’y paglabag sa Section r (c) (4) of R. A 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Ang naturang warrant ay inisyu ni Judge Maria Victoria Soriano-Villadolid, presiding judge ng Manila Regional Trial Court branch 24.
Kasalukuyang naka-detain sa loob ng opisina ng S.Ma.R.T si Tulfo.
Ang pag-aresto kay Tulfo ay base umano sa inisyung “bench warrant” ng Manila RTC Branch 24 laban sa brodkaster.
Magugunita na una nang sinabi ng kapatid niyang si Raffy, na nakatakdang iproklama sa pagkasenador ngayong hapon sa Pasay City, na nais niyang i-decriminalize ang kasong libelo at sa oras na mangyari ito wala nang kulong na parusa at kailangan na lang magbayad ng “civil damages.”