NAGA CITY- Arestado ang tatlong katao kasama ang isang barangay treasurer matapos nitong ipatalo sa sabungan ang mahigit P200,000 pondo ng Barangay San Isidro, Iriga City.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na ipinusta umano ng suspek na si Gabriel Vargas ang naturang pera sa sabungan ngunit natalo ito.

Kaugnay nito, pumunta umano si Vargas sa pulisya at nagreport na ito ay naholdap.

Ayon kay PLt. Col. Elmer Mora, hepe ng Iriga City PNP, agad naman silang inimbestigahan ang nangyari at nadiskubre sa CCTV footages na nakuha sa lugar na gawa-gawa lamang ng mga suspek ang nasabing holdup incident.

Ayon kay Mora, binayaran umano ni Vargas ang isang Mike Magistrado na magkunwaring holdaper ngunit binayaran naman ni Magistrado si Jimmy Padayao na isagawa ang krimen at magkunwaring sasaktan si Vargas.

Ngunit matapos madiskubre ng mga otoridad ang katotoohan, agad naman na hinuli ang naturang mga suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang mga ito para sa karampatang disposisyon.