CEBU – Arestado ang tinuturong salarin ng pagnanakaw sa Brgy. Hall ng Basak San Nicolas, lungsod ng Cebu.
Kinilala ang responsable na isang brgy. tanod ng mismong barangay na matagal na rin umanong nanilbihan sa Basak San Nicolas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Brgy. Councilor at Chairman ng Committee on Peace and Order Councilor John Rama, inihayag nito na nakita sa CCTV cameras sa brgy. ang pagkakakilanlan ng responsable at inamin din umano nito ang naturang krimen.
Sa impormasyon mula sa opisyal, nakilala ang brgy. tanod na si Franklin Jerad na on-duty noong panahon na nangyari ang pagnanakaw.
Tanging ang nasa mahigit P2,000 lang ang natangay nito matapos hindi nabuksan ang vault ng Treasurer’s Office.
Idinahilan umano ng brgy tanod ang kanyang asawa na laging naniningil umano ng pera sa kanya. Kaugnay nito, nagsagawa ng emergency meeting ang konseho ng brgy. para sa legal aksiyon laban sa responsable kabilang na ang gagawin pang safety measures sa barangay upang hindi na mauulit ang krimen.
Maaalala na nadiskubre ngayong araw ng isa sa mga empleyado ng brgy na nasira na ang isa sa mga tanggapan ng brgy. hall matapos niransak at pinagnakawan.