TACLOBAN CITY – Patay ang tatlong indibidwal kasama na ang isang kapitan at asawa nito matapos ang nangyaring banggaan ng isang kotse at isang dumptruck sa Brgy. Balinsasayao, Abuyog, Leyte.

Ayon kay P/Cpt. Antonio Angcay Jr., chief of police ng Abuyog Municipal Police Station, biyahe mula sa Surigao papuntang Maynila ang nasabing Toyota Fortuner kung saan apat ang sakay nito samantala papuntang Baybay City naman ang dump truck mula sa Barangay Libertad.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, mabilis ang takbo ng fortuner at dahil sa malakas at walang humpay na pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa kalsada ay nawalan ng kontrol ang driver nito na naging dahilan para bumangga ito sa naturang dump truck.

Dead on arrival ang driver ng dump truck na si Peter Japson, kapitan ng Barangay Libertad at ang asawa nito na si Evelyn Japson gayundin ang pasahero ng Fortuner na si In Malang.

Sa ngayon ay patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente.