-- Advertisements --

Pormal nang nagsampa ng reklamo sa Department of Labor and Employment- 7 ang BPO Industry Employees Network (BIEN) – Cebu dahil sa umano’y ‘business as usual approach’ matapos ang pagtama ng magnitude 6.9 na lindol noong Martes ng gabi.

Ayon pa, hindi bababa sa sampung kumpanya ang lumabag sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS), kabilang ang mga ulat ng sapilitang pagpapabalik sa production floor kahit may aftershocks pa, at pagharang sa ilang exit points ng gusali.

Batay sa reklamong nakalap ng grupo, pinilit pa umano ang mga empleyado na magtrabaho at tumanggap ng tawag sa gitna ng lindol, habang ang iba naman ay inalok ng double pay upang manatili sa trabaho.

Habang ang mga ayaw sumunod ay pinagbantaang suspendihin, putulan ng sahod, tanggalan ng incentives, at may ilan pang pinagbantaan ng termination.

May ulat din ng mga empleyadong pinapipirma ng mga memo na nagbabawal magsalita tungkol sa nangyari.

Giit ng grupo, malinaw na ito’y pagpapakita ng corporate greed at inuuna ang kita kaysa kaligtasan ng mga manggagawa.

Samantala, sa naging eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Roberto Cabardo, Regional Labor Information Officer III ng Department of Labor and Employment-7, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagsunod sa mga Labor Advisory kaugnay sa kalamidad.

Ayon kay Cabardo na may karampatang parusa sa kompaniya kapag nilabag ito ngunit kanila muna umanong imbestigahan at idadaan sa due process.