-- Advertisements --

Abanse na sa serye ang Boston Celtics matapos iposte ang ikalawang panalo laban sa Golden State Warriors sa Game 3 ng NBA Finals, 116-100.

Mula sa first quarter hanggang sa 4th quarter ay lamang sa score ang Boston at hindi na ito binitawan hanggang sa matapos ang game.

Nakahabol ang Warriors bago magtapos ang third quarter pero panandalian lamang ito at nabawi muli ng Celtics ang renda.

Nanguna sa opensa ng Boston si Jalen Brown na kumamada ng 27 points na sinuportahan naman ni Jason Tatum na may 26 points kasama na ang tatlong three point shots.

Malaking bagay din naman ang ginawa ni Marcus Smart na nag-ambag ng 24 points.

Sa kampo ng Warriors nasayang ang 31 points ni Stephen Curry kasama na ang anim na three points shots. Nasa 15 sa kabuuang puntos ni Curry ay naipasok niya sa third quarter.

Maging ang diskarte ni Klay Thompson na nagpakita ng 25 points at limang three point shots ay nabaliwala rin.

Minalas pa ang Warriors matapos na ma-foul out si Draymond Green kahit malaki pa ang natitirang minuto sa 4th quarter.

Batay naman sa kasaysayan ng NBA Finals, nasa 39 na beses na ang magkaribal na teams ay nag-split sa unang dalawang games, lumalabas na 82% o mas marami raw ang nagkampeon doon sa mga nanalo ng teams sa Game 3.

Ang Game 4 ay gagawin sa Sabado doon pa rin teritoryo ng Boston dakong alas-9:00 pa rin ng umaga.