CEBU CITY – Kasunod ng kumpirmasyon na nakapagtala ang isla ng Bantayan Cebu ng local transmission ng COVID-19, naglabas ng Executive order si Sta. Fe Mayor Ithamar Espinosa kung saan isinara ang mga borders papasok at palabas sa lugar.
Kabilang pa sa mga borders na isinara ay sa Balidbid, Mojon, at Marikaban/Oboob.
Suspendido na rin ang lahat ng quarantine pass at workers pass na inisyu ng bayan ng Santa Fe kung saan papayagan lang makalabas at makapasok sa entry at exit points ang mga authorized persons outside residence(APOR), emergency ambulance vehicles at may mga emergency medical cases.
Papayagan ding makadaan sa mga borders ang mga pasaherong uuwi at paalis sa Bantayan at Madridejos ngunit kinailangang didiritso na ang mga ito sa kanilang destinasyon.
Hinigpitan rin ang border control sa lahat ng inbound cargo na dadaan sa daungan ng Santa Fe at kailangang magpakita ng cargo vehicle pass sa lugar kung saan ito nanggaling.
Strikto ding ipapatupad ang mga safety protocols sa bawat borders kung saan sasailalim ang mga driver ng mga cargo trucks at helper sa inspection.
Nilinaw pa ni Espinosa na ginawa niya ito hindi upang pahirapan ang kanyang nasasakupan kundi upang mapigilan ang lalong pagkalat sa nasabing sakit sa kanilang lugar.
Hiniling pa nito ang publiko na manatili lang sa bahay, palaging magsuot ng facemask at panatilihing sumunod sa social distancing.
Wala namang petsang ibinigay ang alde kung kailan ito muling buksan ang mga isinarang borders.