KALIBO, Aklan – Sa kabila ng nagpapatuloy na rehabilitation sa isla ng Boracay, nakapasok pa rin sa pang siyam na puwesto ang White Beach bilang isa sa mga Asia’s best beaches sa buong mundo.

Batay sa TripAdvisor’s 2019 Travellers Choice Awards, ang naturang isla lamang sa bansa ang kinilala mula sa Top 10 beach destinations sa Asia.

Inilarawan ng popular travel website ang 4-kilometer main beach bilang “calm, warm waters, gently sloping sand, very relaxing at most beautiful beach sa Asia.”

Nabatid na ang pamosong isla ay nakakuha ng pangalawang puwesto noong 2018.

Samantala, ang ilan sa mga nangunguna sa listahan ng TripAdvisor’s tourist spot ay ang Radhanagar Beach sa Havelock Island, Andaman at Nicobar Islands, India; Kelingking Beach ng Nusa Penida, Bali; Nai Harn Beach ng Thailand, at Agonda Beach sa India.

Ang pagkilatis ng TripAdvisor’s sa mga tanyag na isla ay nakabatay sa quality and quantity of reviews at rankings para sa beach destinations, restaurants, hotels, attractions, at ang traveler booking interest.