KALIBO, Aklan — Nakiisa ang Malay-Boracay Tourism Office sa selebrasyon ng Department of Tourism (DOT) ng National Tour Guides’ Day upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga tour guide sa pagsulong ng turismo sa Pilipinas at kulturang Pilipino.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay-Boracay Tourism Office pinuri ng DOT-Region 6 ang mga tour guide dahil sa kanilang serbisyo at sakripisyo bilang mga cultural ambassador ng bansa, kung saan naikukwento nila ang kasaysayan ng Pilipinas na may pagmamahal gayundin na naipapamalas nila ang tunay na katangian ng mga Pilipino.
Nabatid na ipinagdiriwang tuwing ikatlong Lunes ng Hunyo ang National Tour Guides’ Day, sa bisa ng Proclamation No. 574, bilang pagkilala sa mga kontribusyon ng mga lisensyadong tour guide.
Sa naturang selebrasyon, tiniyak ni Tourism Secretary Secretary Christina Garcia Frasco na patuloy silang magbibigay ng suporta sa mga programa para sa pagsasanay, kabuhayan, at propesyonal na pag-unlad ng mga tour guide, bilang bahagi ng layunin ng DOT na gawing haligi ng ekonomiya ang turismo.