Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na hindi siya magbibitiw sa puwesto bilang kalihim ng ahensya.
Sa kanyang video message, iginiit ni Bonoan na hindi ang pag-alis o pag-iwas sa responsibilidad ang tamang paraan upang makahanap ng solusyon.
Dagdag pa niya, handa siyang managot at tanggapin ang accountability, ngunit hindi niya kukunsintihin o papayagan ang anumang uri ng korapsyon sa loob ng ahensya.
Sa parehong pahayag, inanunsyo rin ni Bonoan ang paglipat sa kani-kanilang mga puwesto ng Regional Director ng Region 4B, pati na ang mga Assistant District Engineers at section chiefs ng Batangas 1st District Engineering Office.
Kasabay nito, sinabi ng kalihim na kasalukuyan ding bineberipika ng DPWH ang aktuwal na pagkakaroon ng mga flood control projects sa Bulacan at iba pang probinsya sa Regions 3, 4B, 6, 7, at 8.
Bago pa man ito, nakapagtatag na ang DPWH ng Anti-Corruption Task Force upang hikayatin ang publiko na magsumbong ng mga kuwestiyonableng proyekto ng ahensya.