-- Advertisements --

Inabswelto ng Bureau of Customs (BOC) ang mga tauhan ng Port of Subic sa mga alegasyon ng pagkakasangkot sa anumang irigularidad kaugnay ng umano’y pagpuslit ng 140,000 sako ng refined sugar mula sa Thailand.

Sa isang pahayag, sinabi ni BOC acting Commissioner Yogi Filemon Ruiz na tinapos na nila ang imbestigasyon sa insidente at lumabas na walang kapabayaan ang mga tauhan ng BOC-Port of Subic sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin.

Ang 140,000 sacks ng refined sugar, na inangkat ng RUAMKAMLARP Export Co. Ltd. at naka-consign sa ORO-AGRITADE Inc., ay dumating sa bansa noong Agosto 12 sa Port of Subic.

Nadiskubre ang mga ito sa surprise inspection na pinangunahan ng BOC dahil sa mga hinalang nakapuslit ang mga ito sa bansa.

Gayunman, sinabi ni Ruiz na ang inangkat na asukal ay sumailalim sa tamang dokumentasyon na kinabibilangan ng mga permit para sa pag-aangkat.

Dagdag pa ni Ruiz na isiniwalat din sa imbestigasyon na ang mga tauhan ng BOC-Subic Port of Subic ay naaayon at pinatutunayan ng certification na inilabas ng SRA.

Dahil sa imbestigasyon, ipinag-utos ni Ruiz na ibalik ang anim na opisyal ng BOC sa kanilang mga naunang puwesto.

Sila ay sina District Port Collector Maritess Martin; Deputy Collector (Assessment) Maita Acevedo; Deputy Collector (Operations) Giovanni Ferdinand Leynes; Assessment Division Chief Belinda Lim; Enforcement Security Service (ESS) District Commander Vincent Mark Malasmas; at, Customs Investigation and Intelligence Service (CIIS) Field Supervisor Justin Geli.