CENTRAL MINDANAO – “Give blood, save lives.”
Simple ngunit makahulugan para sa mga empleyado at kawani ng city government na boluntaryong nag-donate ng kanilang dugo para madugtungan ang buhay ng mga lubhang nangangailangan nito.
Isa sa mga highlight ng taunang pagdiriwang ng Blood Donation Month kada buwan ng Hulyo ang nabanggit na aktibidad.
Isinagawa ang Blood Letting Activity ng city government kung saan ay lumahok ang ilang opisyal at empleyado sa aktibidad na ginanap sa temporaryong City Blood Center sa City Pavilion.
Ginawa ng “institutionalized” ni City Mayor Joseph Evangelista ang city government officials and employees ang blood letting activity kada buwan ng Enero at Hulyo simula noong taong 2013 upang mapunan ang suplay ng dugo sa nabanggit na pasilidad.
Patunay ito sa ilang taong pagkilala ng Department of Health sa Kidapawan City bilang consistent awardee sa National at Regional Sandugo Kabalikat Awards.
Isinailalim muna sa blood pressure monitoring, interview, blood typing, at medical check-up ang mga kalahok na opisyal at empleyado upang malaman ang kanilang pisikal at medikal na kakayahan na makapag donate ng dugo.
Maliban sa normal blood pressure na 120/80 o mas mababa pa, hindi bababa sa 50 kilograms ang timbang, kinakailangan din na walang nakakahawang sakit at iba pang underlying medical condition ang magpapakuha ng dugo, ayon pa sa pamunuan ng City Blood Center.
Pagkatapos ng blood donation program ay may libreng pagkain na inihanda ang City Human Resource and Management Office para sa lahat ng nagpakuha ng dugo para manumbalik ang kanilang sigla.
Nataon na ang Blood Donation Activity ay halos kasabay din ng inagurasyon ng bagong P5 million na Refrigerated Centrifuge ng City Blood Center na pinasinayaan ni Mayor Evangelista noong July 20, 2020.
Ang nabanggit na kagamitang medical ay siyang nagpoproseso ng dugo patungo sa platelet concentrate na para sa mga pasyenteng nagkakomplikasyon sa dengue at packed RBC para sa blood transfusion ng iba pang pasyente.
Sa pamamagitan ng Refrigerated Centrifuge ay hindi na kailangan pang pumunta ang mga nangangailangan ng dugo o platelet sa iba pang lugar para kumuha nito.