-- Advertisements --

Naging matagumpay at produktibo ang pagbisista ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Saudi Arabia itoy kahit maikli ang panahon, nagkaroon naman ng ibat ibang engagements na nagawa upang muling pagtibayin ang pangako ng Pilipinas sa pakikipagtulungan sa pagitan ng GCC at mga bansang ASEAN, gayundin upang itaguyod ang bansa sa pag-asam ng mga mamumuhunan.

Inilarawan naman ni Pangulong Marcos ang ASEAN-GCC Summit na ginanap sa Riyadh bilang isang landmark event, at idinagdag na ito ang unang pagkakataon na nagtipon ang ASEAN at GCC Member States upang talakayin ang mga isyu sa rehiyon at internasyonal at sa hinaharap na pakikipagtulungan.

Ang anim na GCC member countries ay kinabibilangan ng Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, Saudi Arabia, at United Arab Emirates.

Habang ang mga bansa na bumubo sa ASEAN ay ang Brunei, Myanmar, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam.

Ang Summit ay nagbigay ng oportunidad para igiit ng Pilipinas ang matagal na nitong paninindigan ang rules-based international order na mahalaga sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad at stability sa rehiyon.

Sinisiguro naman ng Pangulong Marcos na patuloy nitong isusulong ang pambansang interes habang pinalawa pa ang pakikipag tulungan sa ibang bansa.

Sa arrival speech ng Pangulo, kaniyang iniulat ang pagresolba sa natitirang bilateral na isyu sa Kuwait sa sideline ng Summit, kabilang ang pag-aayos sa pag-alis ng deployment ban ng mga manggagawang Pilipino.

Giit ng Chief Executive matatapos na ang isyu sa bansang Kuwait at babalik na sa normal na estado.

Sinabi ng Pangulo na ang Summit ay nagbigay din ng pagkakataon para sa Pilipinas na makakuha ng US$120-million Memorandum of Understanding (MOU) na magtatatag ng 500-person capacity training facility sa bansa upang mapataas ang kasanayan ng mga manggagawang Pilipino sa industriya ng konstruksiyon.

Isa pang tatlong business-to-business agreement ang tinalakay din sa Saudi at Philippine human resource companies “para sa pagsasanay at pagtatrabaho ng mga Pilipino sa malawak na hanay ng mga industriya kabilang ang pangangalagang pangkalusugan; hotel, restaurant, at catering; at pagpapanatili at pagpapatakbo, bukod sa iba pang mga operasyon.”