Pinahintulutan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang buwanang paghahain at pagbabayad ng value added tax (VAT) para sa mga rehistradong taxpayers.
Ito’y sa hangaring pagbutihin pa ang pagsisikap sa pangongolekta ng buwis ng ahensya.
Ang desisyon ng BIR ay ginawang flexible ang paghahain sa gitna ng mandated quarterly submission of returns na tinukoy sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo D. Lumagui, Jr. na ang mga taxpayers ay may option na maghain at magbayad ng kanilang VAT sa buwanang batayan na walang mga kaukulang parusa.
Nakasaad sa Revenue Memorandum Circular No. 52-2023 na ang mga taxpayers na gustong lumipat mula quarterly hanggang buwanang pag-file o vice versa ay hindi sasailalim sa mga parusa.
Gayunpaman, sinabi ni Lumagui na ang paghahain ng BIR Form 2550Q at pagbabayad ng VAT ay dapat pa ring makumpleto sa loob ng dalawampu’t limang araw pagkatapos ng pagtatapos ng taxable quarter.
Sa kabilang banda, walang itinakdang deadline para sa nasabing from na ginagamit sa paghahain ng monthly returns.
Habang pinahihintulutan ang option sa buwanang paghahain, ang BIR chief ay nagbigay ng mahigpit na babala laban sa mga tax dodger na maaaring magtangkang pagsamantalahan ang ginawang hakbang ng naturang kawanihan.