Binigyang pagkilala at pinarangalan sa Senado ang sikat na P-pop girl group na BINI bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon sa musikang Pilipino bilang kauna-unahang Filipino act na nakapag-perform sa international music festival na Coachella.
Dumalo sa Mataas na Kapulungan ang walong miyembro ng grupo na sina Aiah, Maloi, Jhoanna, Mikha, Colet, Gwen, Sheena, at Stacey upang personal na tanggapin ang parangal mula sa mga senador.
Isinulong sa plenaryo ni Senador Bam Aquino ang Senate Resolution 370 na kumikilala sa BINI bilang inspirasyon at pride ng bansa dahil sa kanilang ambag sa pagpapasigla ng Original Pilipino Music (OPM) at sa pag-angat ng kulturang Pilipino sa buong mundo.
“Sa kauna-unahang pagkakataon, isang Filipino act ang nagtanghal sa isa sa pinakamalaking music festivals sa buong mundo,” ani Aquino.
Ipinahayag naman ni Senador Joel Villanueva na hindi lamang nakasama sa lineup ang BINI kundi tunay na nagmarka sa global stage, kung saan pumangatlo umano sila sa Top Coachella Artists batay sa Earned Media Value at pumangalawa sa total online engagement kasunod ni Justin Bieber.
Nagpahayag din ng suporta si Senador Risa Hontiveros, na nagsabing ang grupo ay patunay na kayang makipagsabayan ng mga Filipina sa mundo.
Bukod sa opisyal na pagkilala, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga senador at staff na makapagpakuha ng larawan kasama ang mga miyembro ng BINI, na labis na sinuportahan ng kanilang fans sa Senado.















