Tinawag ni Akbayan Rep. Chel Diokno bilang isang ‘malaking kapalpakan’ ang kabiguan ng Philippine government na maibalik si Zaldy Co sa Pilipinas.
Ito ay kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Justice (DOJ) na wala na sa kustodiya ng mga awtoridad sa Czech Republic ang dating mambabatas na isa na ngayong pugante.
Nakakadismaya aniya ang nangyaring kapalpakan, at dapat magpaliwanag dito ang gobiyerno ng Pilipinas.
Kailangan din aniyang siguruhin ng gobiyerno sa mga Pilipino na ginagawa nito ang lahat ng maaaring gawin upang matunton si Co at maibalik na siya sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Unang inanunsyo ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na ‘naaresto’ si Co sa Czech Republic, ilang araw na ang nakakalipas.
Agad namang nagtungo sa naturang bansa ang isang special team na pinangungunahan ni Department of Justice Sec. Frederick Vida ngunit hindi na nila nadatnan ang pugante sa kostudiya ng Czech authorities.
Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw kung nasaan ang dating mambabatas. (report by Bombo Genesis)
















