-- Advertisements --

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang produktong agrikultural, kasunod ng posibleng manipulasyon sa lokal na merkado ng mga pangunahing bilihin.

Sa isang pulong balitaan sa Kapihan, Manila Bay, binigyang-diin ni Senador Sherwin Gatchalian, chair ng Senate Committee on Ways and Means, ang pangangailangang busisiin ang mga hindi pangkaraniwang galaw sa presyo ng mga bilihin, lalo na’t tila mas maaga ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Ayon kay Gatchalian, may hinala na may ilang market players na sinasamantala ang sitwasyon upang magtaas ng presyo ng bigas.

“So, nung tinanong ko si Senator Kiko… merong masamantala… mga rice traders, sila naman ngayon ang nagpapataas ng presyo,” ani Gatchalian, na binanggit ang posibleng papel ng mga kartel at importer.

Giit pa ng senador, direktang naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bigas ang mga pamilyang Pilipino.

“Pag tumaas ang presyo ng bigas, direct impact ’yan sa sitwasyon ng taong-bayan,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni Gatchalian na hindi agad dapat magdulot ng pagtaas ng presyo ang ilang salik tulad ng fertilizer cost, dahil karaniwang lumalabas ang epekto nito sa panahon pa ng anihan na inaasahang sa Hunyo o Hulyo pa.

Iminungkahi rin ng senador na posibleng pangunahan ng Senate Committee on Agriculture na pinamumunuan ni Senador Francis Pangilinan ang naturang imbestigasyon.

Binigyang-diin pa ni Gatchalian na may mga indikasyon ng “maagang paggalaw” ng presyo, na maaaring may kaugnayan din sa pagtaas ng presyo ng langis.

Layunin ng imbestigasyon na matukoy kung may kartel, importer, o trader na manipulasyon sa supply at presyo, upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa hindi makatarungang pagtaas ng mga pangunahing bilihin.