Pinagtibay ng Supreme Court ang life imprisonment at P5M multa laban kay Elizabeth Espiritu Mendoza dahil sa large-scale illegal recruitment.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Raul B. Villanueva, napatunayang nanghikayat siya ng mga aplikante para sa trabaho sa Japan, nangako ng mataas na sahod at benepisyo, at naningil ng P15K–P45K kahit walang lisensya mula sa Philippine Overseas Employment Administration.
Mahigit 12 biktima ang tumestigo na hindi natuloy ang ipinangakong trabaho kahit nakapagbayad at nakapagsumite na ng requirements. Iginiit ng Korte na sapat ang magkakatugmang testimonya upang patunayan ang panlilinlang.
Hindi rin pinaniwalaan ang depensa ni Mendoza na siya’y aplikante lamang, dahil lumitaw na aktibo siyang nanghikayat, nangolekta ng bayad, at nagpakilalang may kakayahang magpadala ng manggagawa abroad.
Una siyang hinatulan ng Regional Trial Court at kinatigan ng Court of Appeals of the Philippines bago tuluyang pinagtibay ng SC.
Pinagtibay rin ang hatol na 12–20 taong kulong at P1M multa para sa simple illegal recruitment, sa ilalim ng Republic Act No. 8042 na inamyendahan ng Republic Act No. 10022. (report by Bombo Jai)















