LAOAG CITY – Nagbigti-patay ang isang binata dahil umano sa pag-aaway nila ng kanyang kasintahan sa Barangay 6, San Juan Bautista sa bayan ng San Nicolas.

Ang biktima ay 22-anyos, walang asawa, bagger ng isang department store sa nasabing bayan at residente sa naturang barangay.

Ayon kay Police Major Joseph Baltazar, ang chief of police ng PNP-San Nicolas, ang nakikitang dahilan umano ng pagpapakamatay ng binata ay dahil sa pag-aaway nila ng kanyang kasintahan.

Sinabi nito na mayroon silang nakitang conversation sa cellphone ng biktima kung saan mababasa na nag-aaway ang magkasintahan at ang huli umanong sinend ng binata ay larawan na magpapakamatay ito.

Nabatid na nang mapansin ng lola ng biktima na naka-on ang ilaw sa kwarto nito ay sumilip ngunit ang bumungad sa kanya ay ang apong nakabitin.

Hindi na rin isinailalim sa otopsiya ang bangkay ng biktima dahil naniniwala umano ang pamilya nito na nagpatiwakal ang binata.