Lalo pang tumaas ang bilang ng mga apektadong residente sa probinsya ng Sorsogon, kasunod ng ilang serye ng phreatic eruption ng bulkang Bulusan.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Sorsogon, pumalo na sa 93,258 indibidwal ang naapektuhan sa mga serye ng pagsabog. Ang mga ito ay mula sa walong bayan ng naturang probinsya.
Umabot na rin sa kabuuang 59 na pamilya ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa dalawang binuksang evacuation center.
Nasa 25 sa kanila ay nasa Irosin Evacuation Center at 34 naman ang kasalukuyang nasa Gallanosa National High School.
Unang pumutok ang bulkan nitong madaling araw ng Lunes, April 28 at sinundan ng ilan pang mahihinang pagbuga ng usok.
Batay naman sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot na sa 19 barangay ang apektado ng ashfall.
Ang mga ito ay mula sa mga bayan ng Juban, Irosin, at Bulan.
Sa nakalipas na 24 oras, muli ring nakapagtala ang Phivolcs ng kabuuang 66 volcanic earthquake, dulot ng bulkang Bulusan.
Una nang itinaas sa Alert Level 1 ang status ng bulkan mula sa dating Alert Level 0.