-- Advertisements --

Umabot na sa 12 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa malagim na aksidenteng nangyari sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) toll plaza sa Tarlac City.

Ayon kay Tarlac City Police Station chief, PLtCol Romel Santos, anim sa mga nasawi ay pawang mga menor de edad, habang patuloy pa ring nagpapagaling ang 27 katao na nasugatan sa naturang karambola.

Maalalang nangyari ang aksidente bandang 12:30 ng tanghali kahapon, May 1, habang nakahinto ang ilang sasakyan sa northbound toll plaza ng SCTEX kung saan aksidenteng binangga ng isang pampasaherong bus ang isang SUV.

Tuloy-tuloy din itong bumangga sa iba pang nakalinyang sasakyan dahil sa lakas ng impact.

Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya na ng pulisya ang driver ng bus. Ayon kay Col. Santos, inamin din umano ng tsuper na naka-idlip siya bago ang nangyaring karambola.

Mahaharap ang naturang driver sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries and damage to property.

Una na ring iniutos ng Department of Transportation (DOTr) ang agarang suspensyon sa operasyon ng Solid North Bus Transit Inc., ang bus operator na sangkot sa insidente.